May nagtanong sa 'kin dati kung takot daw ba akong mamatay. Ang yabang pa ng sagot ko. Matter of factly. Sabi ko, hindi.
Pakiramdam ko nga, nasa beauty pageant ako nung tanungin nya. Iyon kasi 'yung mga tanong na kung iiskoran ng mga hurado ang sagot ko e makakatanggap ng 98.88%. Kumbaga, sa swimsuit competition na lang ako manganganib. Pero pwede pa namang makaalpas dun. Idedeclare ko lang na sa kultong kinasasalihan ko, bawal magpakita ng kuyukot ang mga babae sa publiko.
Napaisip tuloy ako noon. Naghalukay ng mga sitwasyon na tipong nag-life or death ako.
Noong bata pa ako, napagtripan kong maglaro sa ibabaw ng lamesang kinukumpuni ng anluwagin namin. Tapos binaliktad niya 'yung lamesa. Hayun, kasama akong tumaob. Nagkamalay ako noon, nakasakay na ako sa kotse at ginigising ako ng aking madir. Huwag daw akong matutulog. Kaso lumulutang ang pakiramdam ko noon. Nagising ako, may IV na ko sa braso.
Hindi ko na matandaan kung gaano ako katagal noon sa ospital. Ang pumagkit sa isip ko, nang malaman kong ididischarge na ko, nagmukmok ako sa may hagdan ng ospital. Ayoko pa kasing umuwi.
Noon namang nag-ermitanya (nagbuhay independent ika nga) ako for almost four months, dalawang scenario ng life or death ang naaalala ko. Nanonood ako noon ng vcd nang lumindol. Hindi naman ako natakot. Ang naisip ko pa nga, yupi tiyak ako dahil limang palapag yon, e nasa ground floor ako. Naririnig ko, may nagtatakbuhan na sa labas. Gusto ko nga silang sigawan na, "Hoy, magsibalik kayo sa mga lungga niyo! Magtago sa ilalim ng mesa! Kung hindi kayo mamamatay sa stampede, sa mga nagbabagsakang kawad ng meralco kayo matetepok!"
Ang kalmante ko pa noon. Ni hindi nga ako nagtago sa ilalim ng mesa. Ni-rewind ko pa nga 'yung vcd. Tapos nainis ako kasi ilang minuto lang, nawalan na ng kuryente.
Tapos minsan naman, sumumpong 'yung ulcer ko. Nagpass-out ako sa sobrang sakit. Nang magkamalay ako, ang pumasok naman sa isip ko, kung sakaling matutuluyan ako, walang makakaalam na nagpaalam na pala ako sa mundo. Ayun, binuksan ko 'yung mga bintana. Para kako kung sakali man, may makaamoy man lang sa 'kin.
'Yung latest, noong makipagsabayan kaming lumangoy sa mga Butanding sa Sorsogon. Pangatlong dive na namin noon pero walang thrill. Yung nakakajam kasi naming Butanding, pulos mga nahihiya. Sabi ko sa guide, "Kuya, puro buntot naman ang nakikita namin e!" Ayun, nang sumunod na senyas ni Kuya Guide, pagdive ko, face to face kami ni Butanding! At nakanganga pa siya! As in mouth open wide! Akala niya siguro, isa akong plankton.
Pakiramdam ko noon, lalamunin ako ng black hole na korteng spheroid. Nablangko ako noon. Nakalimutan kong huminga. Di ko nga rin naikawag yung flippers ko. Na-amaze ako. I was one with nature. At ang unang pumasok sa utak ko, "Putek, ang laking gilagid!"
Kung ilang metro ang layo ko sa Butanding, hindi ko alam. Mahina ako sa kalkulasyon. Basta hindi ko naman siya nasagi nang sabayan ko siyang lumangoy. Ang sarap! Kitang kita ko yung mga white spots pati yung mga maliliit na isda na nakikiangkas sa kanya.
Paglutang ko sa tubig, ngawit na ngawit ako. Ang layo na nga nung bangka namin. Pero nakangiti pa rin. It was an experience I consider near-death. Ipinadama sa akin ni Butanding.
I was numb. Then, I swam. And now, heto, nagpipilit pa ring lumutang sa mundo. Pagod, pero tuloy pa rin. Hindi pa kasi ako dumadaong. Umaasa pa rin, na sana, may makita na kong lighthouse. Bago ako magcollapse.
Saturday, September 8, 2007
Lighthouse
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment