Sa lahat ng ayoko, ang una sa listahan ko e 'yung binibitin ako. Kaya nga hindi ako nanonood ng mga palabas na may prefix na "tele". Hindi ko kayang maghintay ng 24 hours para lang malaman kung tatahol ba si Pulgoso kinabukasan. Lalong hindi ko kayang palipasin ang Sabado't Linggo para lang mapanood ang kasunod ng nabitin na Friday episode.
Ayoko rin ng tsismis kasi para sa akin, bitin naman 'yon sa katotohanan. Ubos oras naman kung beberipikahin ko pa kung talagang mafia si Bektas at battered wife si Ruffa. Although marami na kong source na talagang materialistic si Anabelle Rama. But then, anong mapapala ko kung alamin ko ang buhay nila? Hindi din naman ako papatulan ni Richard Gutierrez.
Hindi ko rin kaya ang makipagtextmate. Ayoko kasi ng nabibitin ako sa pagkikilanlan. Na hindi ko alam kung nagsasabi ba ng katotohanan si textmate pag sinabi niyang isa siyang arkitekto, doktor, pari, tambay. Although dati, noong hindi pa uso ang cellphone at internet, naaliw ako sa pakikipagpenpal. Nag-iipon kasi ako ng stamps, kasabay ng pangongolekta ko ng mga carebear stickers.
Kaya nga gusto kong tapusin 'yung David's Sling at Scrooge Series kasi naniniwala ako sa Golden Rule. Kung ano ang ayaw kong maramdaman, hindi dapat ako maging tulay para maramdaman pa iyon ng iba.
Alam ko, nakakabitin ang kwento ni David at Sarah. At kung kailan nga ba unang umiyak si Lakeisha. Pero bitin din kasi ang pinagkukunan ko ng lakas sa mga panahong ito.
Kaya ito na lang ang aking pambawi. Kung gusto nyong malaman kung "Bakit Walang Makaimbento ng Time Machine", mag-email lamang sa jaja.dr@gmail.com, magrequest at viola! may libreng kwentong tapusan na kayo! Masyado kasing mahaba kung ipo-post ko pa dito kaya nilagay ko muna sa aking online docs repository.
Isang warning lang, ang "Bakit..." ang kauna-unahang rejection ko sa pagsusulat. Isinubmit ko 'to sa Precious Hearts Romances at sinabi sa 'kin ng editor:
Hindi ganito ang mga klase ng kwentong ipina-publish namin. Bakit hindi mo i-try sa UP Press?
Ewan ko ba. Hindi ko alam kung maiinis ako (kasi sayang din ang P7,000.00) o mapa-flatter (UP Press? Futek, first try ko, UP Press?).
Pero hindi ko na pinagpilitan ang "Bakit..."
Bakit? Kibitbalikat na lang ako. Tinamad na yata akong maglakad noon. Kaya ngayon, ipapabasa ko na lang ng libre sa kung sino man ang gustong magbisibisihan o kung sino man ang may oras at gustong magbasa ng mahabahabang kwento.
No comments:
Post a Comment