Nakakaaliw. Ang dami kong nakahalubilo ngayong araw na 'to. Pakiramdam ko, isa akong hitchhiker--pumara, sumakay at nagbabay hanggang makarating sa huling destinasyon.
Barangay at SK elections ngayon. Nagamit ko na naman ang aking right to suffrage kahit tatlo't kalahati lang ang kakilala sa mga aspirante. Ayon sa aking last update sa COMOLLECT, isa't kalahati lang sa binoto ko ang pinalad (o minalas) na manalo.
Pagkatapos naming bumoto, kasabay na akong lumuwas ni Atenggot. Ibinaba nya ko sa Balintawak para doon naman sumakay ng taxi para sa aking next destination: Wedding MTV shoot ng aking bespren noong kolehiyo. Sa UP Lagoon kami nagshoot. Nakakamiss nga yung lugar kasi noong kapanahunan ko sa unibersidad, shortcut ko lang ang lagoon pag papunta ako ng gym mula AS. Haha! Masipag pa kasi akong maglakad noon.
After namin sa lagoon, dumiretso kami ng CHR para sa next location shoot. Kaso bumigay yung battery ng camera. Kaya pack-up muna. Sa Sabado, may call slip ulit ang mga bida.
Next stop, KFC Katips. Inilabas kasi ng bosing ko yung kanyang mga tsikiting. At dahil nasa vicinity naman, nakisawsaw na rin ako sa pagiging tsikiting. Sarap kayang kasama nung mga bata. Sila yung tipong mga bata na isip matanda. Feeling ko nga, nagmature ako ng tatlong porsyento habang nakikinig sa palitan nila ng kurukuro at alaskahan.
Matapos mabusog ng mga tsikiting, nagpunta kami ng Dangwa. Doon ko naman kasi imi-meet ang huli kong appointment for the day. Nakaugalian kasi namin for the past 4 years na tumanggap ng flower arrangements tuwing Undas. Kaya ako, kahit hindi na gaanong nag-aalok, may nakakaalala pa ring umorder sa kin.
Mahabang lakaran, siksikan at tawaran ang nangyari sa pasilyo ng Dos Castillas. Na natapos sa pagbababay namin sa harap ng Quiapo Church para naman sumakay ng jip pauwi.
At bago ko pa mabuksan ang pinto, isa pang kaulayaw ang nanghingi ng kuru-kuro sa selepono habang ang isa nama'y nagbanggit ng pagkalito.
Nakakaaliw ang araw ko. Sa sampung sakay-salin, limang beses akong nag-hello at nag-goodbye sa limang grupo ng tao. Sa loob ng wala pang dose oras, tatlong bagong mukha ang nakilala ko, anim na tsikiting ang nagpagunita na masarap ang buhay, pitong kaibigan ang muli kong nakahuntahan, at apat na matalik na kaibigan ang nagpaalala na kahit paano'y ako'y may halaga.
Hindi ko pa nabilang doon sina Ama at Inang, Ate at Ditse, Gugey at Janpot...
Hindi ko na rin binilang yung mga kababaryo kong nagkalat sa labas ng Mababang Paaralan ng Malibong Matanda na walang alam tanungin sa buhay ko kundi ang iniilagan kong mga katanungan--kung kailan daw ako mag-aasawa, kung may bf na ba ako, kung dalaga pa ba... Syempre, depende sa tanong ang sagot ko. Ang sabi ko, mag-aasawa ako pero pagkatapos na ng eleksyon, yung bf ko may gf na kaya hindi pwede, at futek, DALAGA AKO HINDI BINATA!
Buti na lang, all's well that ends well. Bukas, balik trabaho. Wala ng nakakaaliw na sakay-salin. Pero tiyak, marami ulit na makakahalubilo. Sa Walong Patong kasi, ang isang tao, katumbas tatlo.
Tuesday, October 30, 2007
Ang Araw ng Eleksyon At Iba Pa
Posted by walangmalay at 2:22 PM
Labels: Foolitics, Jakulit, Walong Patong
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment